MANILA, Philippines - Pormal nang hiningi ng isang samahan ng 60 non-government organizations sa Korte Suprema ang agarang pagbusisi sa mamahaling sasakyang gamit umano ni Pasay Regional Trial Court Judge Jesus Mupas.
Sa isang sulat kay Supreme Court Administrator Justice Midas Marquez, binigyang-diin ng Balikatan People’s Alliance na dapat maipaliwanag sa taumbayan kung bakit tila napaka-espesyal umano ni Mupas sa may-ari ng sasakyan na Viking Haulers Inc, ng Diliman, Quezon City.
Inihayag ni Louie Balbago, chairman ng Balikatan na ang sasakyan ni Mupas ay isang itim na Suburban na may plakang ZSL 286 na nakarehistro umano sa Viking Haulers. Ang pinakabagong rehistro ay isinagawa noon lamang nakaraang Hunyo 8 at nagkakahalaga ng P3,229.06.
“Subalit ang Department of Justice (DOJ) ay inindorso na ang kasong criminal laban kina Viking president Reynaldo Pazcougin at vice president Rodelito Blag, kasama na ang dalawang Customs examiners, dahil sa umano’y pandaraya sa duties and taxes na nagkakahalaga ng P68.48 milyon,” ayon sa Balikatan.
Ito’y kaugnay umano sa gross undervaluation ng Viking sa 10 mamahaling sasakyan tulad ng Mercedes, Porsche, Lamborghini at Maserati.