MANILA, Philippines - Inirekomenda na ng Court of Inquiry (COI) ang pagsasalang sa General Court Martial (GCM) laban sa apat na opisyal ng Philippine Army na umano’y pumalpak sa operasyon na ikinasawi ng 19 sundalo habang 14 pa ang nasugatan sa madugong ambush ng nagsanib na grupo ng Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 18.
Ayon kay Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., bago bumaba sa puwesto ang nagretirong si ret. AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr., ay inaprubahan nito ang rekomendasyon ni COI Chairman Commodore Crispin Mercado para isalang sa GCM ang apat na elite officer ng Philippine Army.
Ang apat na opisyal ay lilitisin sa Articles of War (AW97) conduct prejudicial to good order and military discipline gayundin sa Article 365 ng Revised Penal Code o kapabayaan sa tungkulin.
Hindi naman tinukoy ni Burgos ang mga senior officers.
Una nang sinibak sa puwesto ni ret. Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz si Special Operations Task Force Basilan Commander Col. Alexander Macario at Col. Leo Pena, Commander ng 4th Special Forces Battalion bunga ng command responsibility o pananagutan sa insidente.
Sinabi naman ng ilang sources na kabilang sina Macario at Pena sa isasalang sa court martial.