Corona: Lalaban ako
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Chief Justice Renato Corona na lalabanan nito ang ginagawang pagyurak sa Korte Suprema.
Sinabi ni Chief Justice Corona kahapon sa mga empleyado ng SC sa kanilang flag raising, wala siyang balak na magbitiw sa puwesto tulad ng ilang panawagan laban sa kanya bagkus ay iginiit nitong nakahanda niyang labanan ang impeachment laban sa kanya.
May nakarating na ulat kay Corona na may nilulutong impeachment case laban sa kanya ang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III sa Kamara.
Nanindigan ang SC chief na haharapin niya ito at lalaban ang anumang balakin na sirain ang integridad ng Korte Suprema.
Samantala, umabot na sa 188 ang kongresistang nakalagda upang suportahan ang ihahaing impeachment laban kay Corona na ihahain ng 8 complainant sa pamamagitan ng 3 grounds para mapatalsik ang chief justice.
Sinabi ni Speaker Belmonte, hindi na kailangang idaan sa plenaryo ang impeachment complaint laban kay Corona bagkus ay isusumite na nila ito sa Senado ngayon.
Kabilang sa magiging basehan ng impeachment kay Corona ay ang betrayal of public trust, culpable violations of the Constitution at graft and corruption.
Itinanggi ng kaalyado ng administrasyon na may marching order mula kay Pangulong Aquino ang pinamamadaling impeachment complaint laban kay Corona.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na kahit maisumite ang impeachment case sa Senado ngayon ay hindi na ito matatalakay ng Senado dahil bakasyon na ito simula sa Dec. 16.
Wika pa ni Enrile, hindi puwedeng magpatawag ng special session si Pangulong Aquino para lamang sa impeachment case ni Corona kung saan ang Senado ay tatayong Impeachment Court.
Iginiit naman ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte na hindi maituturing na pagwasak sa demokrasya dahil ito ay ginagarantiyahan sa Konstitusyon.
- Latest
- Trending