CGMA nailipat na sa VMMC

MANILA, Philippines - Nailipat na rin sa wakas matapos ang ilang oras na kaguluhan sa uri ng transportasyon na gagamitin sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) si Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo buhat sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig.

Pasado alas-3:30 ng hapon nang lumisan sa SLMC ang convoy ni Arroyo na binubuo ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office, Quezon City Police District at PNP-Highway Patrol Group.

Sinabi ni DILg Sec. Jess Robredo, hindi na pinosasan ang dating chief executive ng ialis ito sa St. Lukes at ilipat sa VMMC.

Nauna dito, nagkaroon ng gusot sa panig ng PNP at ng kampo ni Arroyo sa uri ng transportasyon na gagamitin sa paglilipat kay Arroyo. 

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, sa kanilang tatlong pagpupulong, napagkasunduan nila na ibibiyahe sa pamamagitan ng “land transport” si Arroyo ngunit biglang iginiit umano sa kanila na ibiyahe ang kanyang kliyente sa pamamagitan ng “airlift” o sa pamamagitan ng helicopter.

Nabatid na dakong alas-6 pa lamang ng umaga ay handa na ang mga Arroyo sa paglilipat sa kanya sa VMMC. Unang hiniling ng kampo ng mga Arroyo na ibiyahe ito ng madaling araw o kaya kamakalawa ng gabi upang makaiwas sa dami ng sasakyan ngunit hindi pinagbigyan ng Pasay City Regional Trial Court.

Kasama ni Arroyo ang kanyang buong pamilya kabilang si dating Unang Ginoo Mike Arroyo, Ang Galing partylist Rep. Mikey Arroyo, Camarines Sur Rep. Dato Arroyo, mga apo at mga abogado.

Unang napeke ang ilang miyembro ng media nang bumiyahe dakong alas-9:55 ng umaga ang isang convoy buhat sa St. Luke’s at dumiretso ng VMMC.

Nagtagal ang paghihintay ng mga Arroyo sa St. Luke’s makaraang kontrahin ng mga ito ang nais ng PNP na i-air lift ang mambabatas at iginiit na bumiyahe sa lupa. 

Napagbigyan naman ang kampo ni Arroyo pa­sado alas-3 ng hapon kung saan ibinuhos ng PNP ang buong puwersa upang hawiin ang trapiko sa EDSA at iba pang kalsadang daraanan kung saan naging mabilis ang pagbiyahe ng convoy na nakarating sa VMMC dakong alas-4:20 ng hapon.

Sinabi naman ng CPDC, hindi naman nagging hadlang ang ginawang kilos-protesta at pagpapa­kita ng suporta kay CGMA sa labas ng VMMC. (May dagdag na ulat ni Ricky Tulipat)

Show comments