Pag-ulan tatagal pa
MANILA, Philippines - Tatagal pa hanggang sa weekend ang mga pag-ulan na nararanasan sa ibat ibang bahagi ng bansa laluna sa Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, ito ay dulot ng dalawang major weather system sa bansa kabilang na ang low pressure area (LPA) na namataan sa may 320 kilometro ng silangan ng katimugang Mindanao at ang pag-iral ng wind convergence o ang pagsasalubong na hangin at naghahatid ng matinding kaulapan at pag-ulan sa ibat ibang panig ng bansa.
Bagamat walang inaasahang bagyo ngayong buwan, asahan pa rin ang pag-ulan sa nalalabing araw ng Disyembre na mas mararanasan sa silangang bahagi ng bansa.
Inihayag naman ni PAGASA acting Deputy Administrator for Operations and Services Vicente Malano na ang mararanasang pag-ulan ay epekto ng pinagsamang “easterly wind” o hanging amihan na nagmumula sa Russia at dumadaan sa mga bansang China at Japan kasabay ng “high pressure wind” na nanggagaling naman sa Siberia.
Ibinida rin ni Malano ang weather forecast ng “Doppler Radar” na gamit ngayon ng kanilang ahensya na may kakayahang sumukat ng kapal ng ulap at galaw ng hangin sa layong 280 kilometro mula sa kanilang istasyon.
Mayroong 144 Automatic Radar Stations na ginagamit ang PAGASA na kayang magtala ng report tuwing 15 minuto sa loob ng 24-oras kahit walang nagmamanipula at automatic din ang pagpapadala ng mga naturang report sa kanilang central station.
- Latest
- Trending