MANILA, Philippines - Tiniyak ng mga negosyante ng arina sa bansa na hindi aakyat ang presyo ng kanilang produkto ngayong buong Disyembre kaya makatitiyak na mananatili ang presyo ng tinapay sa pagpasok ng Noche Buena.
Sinabi ni Philippine Association of Flour Millers executive director Ric Pinca na walang paggalaw sa presyo ng arina na kanilang inaangkat at wala silang nakikitang indikasyon na aakyat ang presyo nito sa mga susunod na linggo.
Ngunit sinabi ni Pinca na dapat tiyakin rin ng Department of Trade and Industry (DTI) na mapanatiling mababa ang presyo ng ibang sangkap ng tinapay upang mapanatili ang mababang presyo nito.
Bumaba na sa halagang $8 ang kada kaban ng trigo ngayong taon ngunit doble pa rin umano ito sa $4 kada kaban na presyo noong 2010.
Bagama’t ang Pilipinas ay bansang hindi pangunahing pagkain sa hapag ang tinapay, marami pa rin sa mga nagno-noche Buena ang naghahain ng “tasty bread” bilang bahagi ng kanilang handa.