MANILA, Philippines - Hinigpitan ng mga security personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lahat ng mga departing Filipino passenger partikular ang mga papuntang China, Hongkong at Thailand para maging ‘drug free’ ang mga ito oras na lumabas ng bansa.
Ang lahat ng mga departing passenger ay dumadaan sa isang masusing pagsalang oras na pumasok ng NAIA departure terminals bukod sa ipinapasok nila sa x-ray machine ang kanilang mga dalang bagahe ay dapat pa nilang alisin ang kanilang mga sinturon, sapatos at relos.
“Kakapkapan pa ang mga ito ng mga bihasang security body friskers sa may departure final check-in area,” anang pamunuan ng MIAA.
Ang pinag-ibayong body check o screening ay ginawa dahil sa nangyari sa isang 35-anyos Pinoy na binitay kahapon ng tanghali sa pamamagitan ng lethal injection sa Liuzhou City, China.
“Mga kababayan in-execute na po ang ating kababayan,” sa pahayag ni Vice President Jejomar Binay kahapon.
Matatandaan may tatlong OFWs na sina Sally Ordinario,32, Ramon Credo, 42 at Elizabeth Batain ang hinatulan rin noong Marso sa Xiamen at Shenzhen dahil sa drug trafficking.