MANILA, Philippines - Binitay na sa pamamagitan ng lethal injection ang 35-anyos na Pinoy na nahatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagpupuslit ng droga, kahapon ng tanghali sa Guangxi, China.
Sa ulat ni Vice President Jejomar Binay via Skype mula Bali, Indonesia, alas-12:30 ng tanghali nang mabitay ang Pinoy.
“Ang ating kababayan ay na-execute ng alas-12:30 ng tanghali,” ani Binay sa isang presscon sa Coconut Palace via Skype.
Bago ang execution, alas-8:30 hanggang alas-9:15 nang makita at makausap sa huling sandali ng Pinoy ang apat na miyembro ng kanyang pamilya kasama si Phl Consul General Raly Tejada at isang pari na nagbigay ng huling “communion rites”.
Alas-9:25 hanggang alas-9:45 ng umaga nang basahan ng sentensiya ang Pinoy sa promulgasyon ng Intermediate People’s Court sa Guilin. Nag-iiyak umano ang pamilya ng Pinoy nang tuluyan na itong ibiyahe alas-10:15 ng umaga patungong Liuzhou City sa Guangxi Zhuang Autonomous Region kung saan ginawa ang lethal injection. Hindi na rin pinayagan ang pamilya na sumama sa lugar.
Umabot umano sa dalawang oras ang biyahe sa Liuzhou kaya 12:30 ng tanghali nang maisagawa ang pagbitay.
Ani Binay, babalik na sa Pilipinas ang apat na kaanak ng Pinoy at inaasahang sa Martes o Miyerkules ay maiuuwi sa bansa ang mga labi.
Ang naturang Pinoy na itinago ang pagkakakilanlan ayon na rin sa kahilingan ng pamilya ay nasabat ng Chinese authorities noong Setyembre 13, 2008 sa Guilin International Airport habang ipinupuslit nito ang may 1.485 kilong heroin kasama ang isa pang Pinoy na nahatulan naman ng habambuhay na pagkabilanggo.
Iginiit naman kahapon ng Malacañang na dapat magsilbing warning sa mga Filipino ang masaklap na sinapit ng Pinoy na binitay dahil sa drug trafficking.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, matagal na ang panawagan ni Pangulong Aquino sa mga Filipino na huwag magpapagamit sa mga drug syndicates upang magsilbing drug mule.
Magugunita na nitong Marso, tatlong OFWs din sa China ang binitay sa kaparehong kaso. (May ulat ni Rudy Andal)