MANILA, Philippines - Posibleng madagdagan na naman ang araw ng Holiday sa bansa matapos na aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House bill 5068 o ang “National Victory and Liberation day” sa Pilipinas.
Sa panukalang batas na inihain ni Baguio City Rep. Bernardo Vergara, idinideklara ang September 3 holiday dahil sa paggunita sa opisyal na pagtatapos ng World War II sa bansa.
Inindorso naman ito para sa pag-apruba sa plenaryo ni House Committee on Basic Education and Culture chairman at 1st district Sorsogon Rep. Salvador Escudero III.
Karaniwan na umanong pinagdiriwang ng mga Filipino ang pagkatalo tulad ng fall of Bataan, Fall of Manila, death of Rizal at iba subalit kakaiba ang nasabing petsa dahil idedeklara ito bilang pagkapanalo at araw ng kalayaan.
Dapat umanong tandaan na ang September 2, 1945 ay araw kung saan sumuko sa Pilipinas ang pwersa ng mga Hapon matapos ang ilang taon paghihirap ng mga sibilyan.
Idinagdag pa ni Vergara na dapat din pakatandaan na ang bunga ng demokrasya ng bansa ay hindi dapat kalimutan na produkto ng dugo at luha na nagtapos noong Setyembre 3,1945.