MANILA, Philippines - Sinampahan na rin ng dalawang bilang ng kasong electoral sabotage ng Commission on Elections si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. ilang minuto bago magsara ang Pasay City Prosecutor’s Office kaugnay sa partisipasyon umano nito sa dayaan sa halalan noong 2007.
Tinanggap ni Pasay RTC Clerk of Court Atty. Marivic Estabayan ang mga dokumento na isinumite ng Comelec-DOJ Joint Panel. Matatandaan na una nang sinampahan ng naturang kaso sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
Bukod kay Abalos, sinampahan rin ng naturang kaso sina dating North Cotabato provincial election supervisor Yogie Martirizar at dating tauhan ng Intelligence of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Capt. Peter Reyes.
Matatandaang isiniwalat nina dating South Cotabato Comelec Provincial Director Lilian Suan-Radam at isa pang testigo na si Martirazar na inatasan sila ni Abalos na tiyakin ang 12-0 win pabor sa Team Unity ng noon ay administrasyong Arroyo.
Bago ang pagdating ng mga opisyales ng Comelec, nauna nang dumating si Abalos kasama ang buong pamilya kabilang si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos. Iginiit nito na ginawa niya ang kusang pagharap sa korte upang patunayan na wala siyang balak na takasan ang anumang kaso na isasampa laban sa kanya. Siniguro rin niya na boluntaryo pa siyang susuko sa mga awtoridad sakaling magpalabas na ng warrant of arrest laban sa kaniya ang hukuman.
Sinabi pa nito na matagal na niyang hinihintay na sampahan siya ng kaso at mistulang tino-torture siya dahil sa pambibitin kung sasampahan ba siya o hindi. Matagal na umano siyang handa na kaharapin ang kaso dahil sa isa siyang “man of law “ at tiyak na pasasakop sa proseso ng batas.
Agad namang ini-raffle ng Clerk of Court ang naturang kaso kung saan bumagsak rin ito sa sala ni Judge Jesus Mupas ng RTC branch 112 na siya ring dumidinig sa kasong electoral sabotage ni Arroyo at Ampatuan Sr.
Agad namang naghain ng “motion to determine probable cause” ang kampo ni Abalos sa sala ni Mupas. (Danilo Garcia/Doris Franche/Mer Layson)