P1.5M tulong ng PCSO sa liver transplant ng 9-anyos
MANILA, Philippines - Nagkaloob ng P1.5 milyong tulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakalawa para sa liver transplant ng isang 9-anyos na batang mula sa Cainta, Rizal.
Nagpasalamat naman si Angelo Silva, ama ng batang si Nikka Kristina na sasailalim sa liver transplant sa Dec. 9 sa Medical City.
Personal na nagpasalamat si Mr. Silva kina PCSO chairperson Margarita Juico at PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas at sa buong PCSO board dahil sa paglalaan ng nasabing pondo para sa liver transplant ng kanyang anak na si Nikka.
Ipinakita mismo ni GM Rojas kay Mr. Silva ang board resolution ng PCSO na nagsasaad na tutulong sila sa gastusin sa liver transplant ng bata.
Nagboluntaryo namang i-donate ng yaya ng bata na si Jigalet Villanueva ang kanyang isang liver para kay Nikka. Aabot naman ng P4.5 milyon ang magiging gastos sa liver transplant ng bata.
Nag-resign sa kanyang trabaho ang ama ng bata at nakakuha ito ng P1 milyon na separation pay bukod sa tulong ng mga kaopisina nito na P400,000 at P600,000 naman mula sa ilang kaibigan pa ni Mr. Silva.
Humingi ng tulong ang pamilya sa PCSO para sa kakulangan nila sa panggastos para sa liver transplant ni Nikka hanggang sa aprubahan naman ito ng PCSO board.
- Latest
- Trending