MANILA, Philippines - Lumipad na kahapon patungong China ang apat na kaanak ng 35-anyos Pinoy na nakatakdang bitayin bukas, kasama ang ilang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) lulan ng China Southern Airlines, flight CZ-3092.
Binigyan ng pamahalaan ng kaukulang tulong ang pamilya ng Pinoy tulad ng tiket sa eroplano at akomodasyon sa China.
Sinabi ni DFA Spokesman Raul Hernandez na sa Disyembre 8 na rin makakapiling o mayayakap ng pamilya ang kanilang mahal sa buhay bago isalang sa lethal injection chamber.
Personal namang inabot ni Vice President Jejomar Binay ang huling apela ni Pangulong Aquino kay Charge d’ Affaires Bai Tian, na siyang tumanggap ng liham ng Pangulo na naka-address kay Chinese President Hu Jintao.
Mula kahapon ay walang abiso ang China na papayagan si Binay, tumatayo ring Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Concerns, na makapunta sa Beijing upang makipag-usap sa mga Chinese officials at sa High People’s Court (HPC).
Mula sa liham ng Pa ngulo, umaapela siya na mabigyan ng commutation o mapababa ang sentensya ng nasabing Pinoy sa habambuhay na pagkabilanggo.
Naniniwala pa rin si Binay na hindi matutuloy ang bitay. “Hangga’t di pa po nangyayari ang kinakatakutan natin ay mayroon pa po tayong pag-asa,” ani Binay. (Butch Quejada/Ellen Fernando)