Impeach Corona malabo sa Kamara
MANILA, Philippines - Walang nilulutong impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona ang mga kaalyado ni Pangulong Aquino sa Kamara.
Sinabi ni Deputy majority leader Miro Quimbo na bagama’t sila ay kaalyado ng Malacanang hindi nangangahulugan na ipatatanggal nila sa puwesto si Corona.
Tanging sa impeachment lamang maaaring matanggal sa puwesto si Corona na nagreretiro sa 2018.
Paliwanag ni Quimbo, isang sacred duty ang paghahain ng impeachment at hindi basta basta lamang maaaring ilatag sa isang opisyal na gustong patalsikin sa puwesto.
Dapat din umanong magkaroon ng matibay na pundasyon ang impeachment complaint na isasampa.
Samantala, pinayuhan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) si Pangulong Aquino na maghinay-hinay sa patuloy na pagbatikos nito sa Kataas-taasang Hukuman dahil may posibilidad na balang araw ay mawalan na ng kumpiyansa ang taongbayan sa hudikatura.
Ayon kay IBP President Roan Libarios, kailangan umanong tanggapin ni P-Noy ang tinatawag na rule of law.
Hindi rin umano sa lahat na pagkakataon ay pro-government ang Supreme Court (SC).
Sinigurado naman ni SC Spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez na hindi bibitiw ang SC sa paglabas ng mga patas at naaayon sa Konstitusyon na mga desisyon.
Tiniyak din ng Korte Suprema na hindi magbibitiw sa puwesto si Corona sa kabila ng ginawang pagbanat ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Marquez, wala umano siyang nakikitang intensiyon sa chief justice na magbitiw lalo pa’t hanggang 2018 pa ito. (Butch Quejada/Gemma Garcia/Doris Franche)
- Latest
- Trending