MANILA, Philippines - Ang pag-amin ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga nagawang pagkakasala ang wish ni Pangulong Aquino ngayong kapaskuhan.
Sa question and answer sa Bulong Pulungan Annual X’Mas Party na ginanap sa Sofitel Hotel, Pasay City, sinabi ng Pangulo na sana ay umamin na lamang sa mga pagkakamali ang dating pangulo upang hindi na daw maulit ang nangyaring dayaan sa 2004 at 2007 elections.
Nahaharap sa kasong electoral sabotage si Pampanga Rep. Arroyo kaugnay ng 2007 senatorial elections na naging dahilan upang ipaaresto ito ng Pasay City RTC.
Kasalukuyang naka-hospital arrest si Mrs. Arroyo sa St. Luke’s Medical Center pero iniutos ng korte na ilipat sa Veterans Memorial Medical Center sa Biyernes.
Ang wish naman ni PNoy para kay Chief Justice Renato Corona ay maging tapat sa sinumpaang tungkulin at itaguyod nito ang interes ng nakakarami at hindi ng iilang sector.
Magugunita na harap-harapang binatikos ni Aquino si Corona sa ginanap na 1st Nation Criminal Justice Summit dahil sa pagiging midnight appointee nito ni dating Pangulong Arroyo, 2 araw matapos ang May 2010 elections.
Binatikos ni Aquino ang SC chief dahil sa pagbasura nito sa Truth Commission na dapat ay mag-iimbestiga sa mga katiwalian ng nakaraang administrasyon at ang pagpapalabas nito ng TRO sa Watchlist Order ng DOJ laban kay CGMA.