MANILA, Philippines - Tatlo umanong carnapper ang nadakip ng Quezon City Police Distict kahapon matapos na malamang ginagamit nila ang isang government vehicle na nanakaw sa isang mall noong nakaraang buwan. Kinilala ang mga suspect na sina Francisco Mendoza, 32, Romar Mendoza, 30, at Joel Pagsibigan, 33, pawang mga residente sa Caloocan City. Sila ay naaresto habang nasa loob ng isang kulay puting Mitsubishi Adventure na nakaparada sa panulukan ng Malindang at CDC St. sa Brgy. NS Amoranto ganap na alas-4:30 ng madaling araw. Ayon kay Supt. Lino Banaag ng La Loma police station, napuna ng mga nagpapatrulyang pulisya ang sasakyan habang nakaparada sa may madilim na parte ng naturang kalsada. Nang lapitan ng mga awtoridad ay biglang nataranta ang mga suspect at tinangkang umiwas sa mga tanong ng mga una. Lalong nagduda ang mga awtoridad nang walang maipakitang original receipt ng AUV at certificate of registration ang mga suspect. Sa puntong ito, ay biglang inamin ng mga suspect na ang AUV na may plakang SKA 527, ay tinangay sa may isang mall noong nakaraang November. Patuloy ang follow up operation ng awtoridad upang matukoy kung ang mga suspect ay malaking sindikato ng mga nagnanakaw ng sasakyan kung mahuhuli ang kanyang mga kasamahan.