CGMA pinayagan ng korte sa St. Luke's hanggang Biyernes
MANILA, Philippines - Pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mananatili ito hanggang sa Biyernes sa Saint Luke’s Hospital, sa Taguig City.
Ang pagpayag ng korte ay base sa naging katwiran ng mga abogado ni Ginang Arroyo na hindi pa tapos ang renovation o pagkukumpuni ng Presidential Suit ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) na nasa lungsod Quezon, na kung saan ito ang magiging kuwarto ng dating lider ng bansa.
Sinabi ni Atty. Laurence Arroyo, isa sa abogado ni CGMA, na hindi na nila ikinatwiran ang medical condition ng dating pangulo para sa pagpapalawig nitong manatili hanggang Biyernes sa Saint Luke’s Hospital, dahil gumagaling na ito.
Kaugnay nito’y pansamantala munang pinayagan ni Judge Jesus Mupas ng Pasay RTC Branch 112 ang paggamit ng cellphone at laptop ng dating pangulo matapos magsumite ang kanyang mga abogado ng supplemental motion for partial reconsideration for the use of laptop and cellphone.
Binigyan din ni Mupas ng 15-araw ang magkabilang panig, na magsumite ng kani-kanilang motion sa hirit ng abogado ng dating pangulo kaugnay sa paggamit ng cellphone at laptop bago siya maglabas ng desisyon.
Sa kabila naman ng mariing pagtutol ni Atty. Maria Juana Valeza ng Commission On Election Investigation and Prosecution Division, sa pagpapalawig ng pananatili ni CGMA sa St. Luke’s, sinabi ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes, na nirerespeto nila ang desisyon ng hukuman.
Paninindigan pa rin aniya nila ang hirit na sa detention facility ng Southern Police District (SPD) manatili si Arroyo, subalit nasa hukom pa rin ang huling pagpapasiya.
- Latest
- Trending