5 Pinay nasagip sa 'white slavery' sa China
MANILA, Philippines - Limang Pinay na biktima ng sindikato ng human trafficking at white slavery ang nasagip sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Consulate General at Chinese authorities sa Xiamen.
Kinumpirma kahapon ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na nasa kustodya na ng Konsulado ang limang Pinay matapos na mailigtas sa kamay ng mga sindikato.
Dalawang Chinese national na hinihinalang miyembro ng sindikato ang nadakip sa operasyon habang isang Pinay na asawa ng isa sa nabanggit na Tsino ang hindi naman nakasuhan dahil sa walang makitang matibay na ebidensya laban sa kanya.
Ayon kay Hernandez, ang raid ay isinagawa noong Nobyembre 25 sa tulong ng Quanzhou Municipal Foreign Affairs Office (FAO) at Quanzhou Public Security Bureau ng Fujian, China matapos na makatanggap ng kahilingan ang Consulate.
Ang mga impormasyon umano sa eksaktong kinaroroonan at kontak ng mga biktima ay mula sa tulong ng team ni Erwin Tulfo ng TV5 na nagtungo sa DFA ng nasabing araw.
Bunsod nito, agad na kumilos si Consul General Adel Cruz at tinawagan ang isa sa mga biktima dakong alas-3:30 ng hapon at binigyan ng instruksyon na tumakas at isama ang apat pang Pinay patungo sa KFC restaurant na kalapit ng kanilang apartment kung saan nag-aantabay ang mga miyembro ng FAO at PSB officials.
Dakong alas-4:20 ng hapon ay kinumpirma ng Chinese officials na hawak na nila ang limang Pinay. Bandang alas-5:16 ng hapon, pinasok na ng Consulate officials at Chinese authorities kasama ang mga pulis at limang biktima ang apartment na kanilang tinutuluyan at dito nadatnan ang dalawang Chinese na suspek at isang Pinay na misis ng isa sa mga nadakip.
Pinaghahanap ng pulisya ang isa pang Chinese national na may hawak umano ng mga pasaporte ng limang Pinay.
- Latest
- Trending