MANILA, Philippines - Harap-harapang binatikos ni Pangulong Benigno Aquino III ang appointment ni Chief Justice Renato Corona sa ginanap na 1st National Criminal Justice Summit na ginanap sa Manila Hotel kahapon.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa nasabing summit, mula sa simula ay mali na ang ginawa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang italaga nito si Chief Justice Corona sa gitna ng election ban sa appointment nito noong 2010.
Ayon kay PNoy, malinaw na nakasaad sa Article 7 Section 15 ng Saligang Batas na ang “isang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng 2 buwan bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, maliban na lamang sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang ehekutibo.”
“Ngunit alam naman po nating pinilit ni Gng. Arroyo na magtalaga pa rin ng Chief Justice. Hinirang siya (Corona), hindi 2 buwan bago ang halalan, kundi isang linggo matapos ang eleksyon. Base sa batas at sa dati nilang pasya, sumasang-ayon ang Korte Suprema na bawal magtalaga sa pwesto 2 buwan bago sumapit ang susunod na eleksyon, maliban na lamang kung ito ay pansamantalang posisyon,” wika pa ni Aquino sa kanyang mensahe.
“Ngunit bumaligtad sila nang italaga ni Ginang Arroyo si Renato Corona bilang Chief Justice: isang puwestong hindi saklaw ng ehekutibo, kundi sa hudikatura. Ang tanong ngayon: lumabag ba ang Korte Suprema sa Saligang Batas?,” wika pa ng Pangulo.
Inisa-isa rin ni PNoy ang mga pagbasura ng Korte Suprema sa mga kautusan ng kanyang administrasyon particular ang pagbuo ng Truth Commission na magsisiyasat sana sa lahat ng anomaly ng nakaraang administrasyon.
Bukod dito, ibinasura din ng SC ang Executive Order 1, Memorandum Circular at ang huli ay ang pagpapalabas ng TRO ng High Tribunal sa Watchlist Order ng Department of Justice laban kay Mrs. Arroyo.
Wika pa ni Pangulong Aquino, obligasyon niya at ng taumbayan na manatiling tumahak sa iisang direksyon, sa ilalim ng nagkakaisang adhika: ang paglingkuran at pangalagaan ang interes ng sambayanan.
“Sa lahat ng nakikibalikat sa atin sa tuwid na daan, manalig kayo! Hangga’t nasa tama tayo, wala tayong laban na aatrasan. Hanggang nasa likod natin ang taumbayan, magtatagumpay tayo. Huwag natin silang biguin,” sabi pa ng Pangulo.
Samantala, nang hingan ng reaksyon si CJ Corona sa ginawang pagbatikos ng Pangulo sa kanyang appointment ay sinabi lamang ni Corona na “hayaan na lamang natin, Pasko naman.”
Binira naman ni House Minority Leader Edcel Lagman si Pangulong Aquino dahil sa pagrespeto nito sa desisyon ng Supreme People’s Court of China sa pagbitay sa isang Filipino, samantalang hindi umano iginagalang ng administrasyon ang desisyon ng Korte Suprema.
Sinabi ni Lagman, na ang pagpaliban ng administrasyong Aquino sa legal process ng China at pagtanggap sa pinal na desisyon nito, sinusuway naman nito ang agarang pagpapatupad ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema na pumipigil sa implementasyon ng DOJ Circular no. 41 at ng Watch List Order na inisyu ni Justice Secretary Leila de Lima laban kay Arroyo.
Ang naturang Filipino na nakatakdang bitayin sa Disyembre 8 sa China ay dahil sa umano’y tangkang pagpuslit ng 1.4 kilo ng heroin noong 2008.
Nakakaalarma umano na habang ang administrasyong Aquino ay nagpapasailalim sa hurisdiksyon ng dayuhan na bawiin ang buhay ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFW), mahigpit naman ang pagtanggi nito na sumunod sa kautusan ng Korte Suprema.
Malinaw umano ang pagtanggi ng pangulo na kilalanin ang kautusan ng Kataas-taasang hukuman ng Pilipinas na nagtataguyod ng civil liberties at nagbibigay proteksyon sa buhay at karapatan ng dating pangulo ng bansa.
Kaugnay nito, nangangamba rin ang mga miyembro ng minorya sa kamara na sina Quezon Rep. Danilo Suarez at Zambales Rep. Mitos Magsaysay na magkaroon ng “constitutional crisis” dahil sa walang humpay na pagbanat ng pangulong Aquino sa Hudikatura.
Ito ay kaugnay sa speech ni PNoy sa 1st National Criminal Justice Summit sa Manila Hotel na umano’y impartiality ni Chief Justice Renato Corona sa kaso ni dating Pangulong Arroyo.