MANILA, Philippines - Wala ng pag-asa na maipasa ngayong taon ang kontrobersiyal na Reproductive Health Bill.
Pero agad na nilinaw ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi naman nila sinasadya ang pag-antala sa pagpasa ng panukala kundi marami pa umanong isyu ang dapat klaruhin dito.
Sinabi pa ni Enrile na wala namang dahilan para madaliin ang pagpasa ng panukala lalo pa’t sensitibo ang nasabing panukala.
Mas mabuti na aniyang pag-debatihan ng mabuti ang RH bill lalo pa’t may mga senador na ring nais magtanong tungkol sa isyu.
Ang nasabing panukala ay ipinagtatanggol nina Sens. Miriam Defensor-Santiago at Pia Cayetano.
Nauna ng sinabi nina Cayetano at Santiago na dapat tapusin na ang debatihan sa plenaryo lalo pa’t pinatatagal lamang umano ito ng mga senador na tutol sa panukala. Kabilang si Senate Majority Floor Leader Tito Sotto sa mga hindi pabor sa RH bill.