MANILA, Philippines - Isa na umano ang Pilipinas sa pitong bansa sa buong mundo na patuloy ang pagdami ng mga kaso ng HIV/AIDS.
Dahil dito, iginiit ni Senator Miriam Defensor-Santiago na magsagawa ng imbestigasyon ang kinauukulang komite sa Senado lalo na’t lumalabas na hindi na epektibo ang mga kasalukuyang batas upang labanan ang pagdami ng may human immunodeficiency virus.
Ayon kay Santiago, nakakabahala ang ulat na patuloy na bumababa ang kaso ng may Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) sa buong mundo habang ang Pilipinas at Bangladesh ay tumataas ang kaso ng may HIV.
Nagbabala na rin umano ang mga epidemiologists ng gobyerno na pagdating ng taong 2015, ang kabuuang bilang ng kaso ng HIV sa Pilipinas ay maaaring umabot sa 45,000 mula sa kasalukuyang 7,000 kaso ngayong taon.
Nais ni Santiago na magbuo ang gobyerno ng isang National HIV and AIDS Plan upang matutukan ang mga programa laban sa HIV at AIDS.
Mistulang hindi umano naging epektibo ang HIV and AIDS Prevention and Control Act (Republic Act No.8504) na ipinasa noong 1998 dahil mas dumami pa ang nagkaroon ng nasabing sakit.
May kabuuang 7,431 kaso na ng AIDS ang naiulat sa Pilipinas mula taong 1984. Sa naturang bilang ay 1,416 ang naitala mula Enero hanggang Agosto lamang ng taong ito.