MANILA, Philippines - Guwardiyado ng 150 pulis ang gagawing paglilipat kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City mula St. Luke’s Medical Center sa Taguig City sa darating na Martes.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Alan Purisima, pinuno ng Task Force Former President Gloria Macapagal Arroyo (FPGMA), maaring ibiyahe lulan ng chopper o kaya naman ay sa land transport si Rep. Arroyo depende sa nais ng kampo at pamilya nito.
“It would be GMA’s camp that would decide what transport they would like to use,” ayon kay Purisima na muling iginiit ang pagpapatupad ng ‘no fly zone’ sa pagbibiyahe sa dating Pangulo sa travel route o mga dadaanan nito.
Umpisa kahapon ay round the clock na ang security measures na ipinatutupad ng QC Police District sa VMMC.
Bukod sa 150 police ay may 12 miyembro ng Police Security and Protection office na magbabantay sa presidential suite sa buong VMMC compound na maghahalili sa dalawang tig-12 oras na pagbabantay.
Todo inspeksyon na rin sa gate ng VMMC kung saan kinumpirma naman kahapon ni DILG Secretary Jesse Robrero na matatapos na ngayong linggo ang pag-aayos sa presidential suite.
Sinabi ni Robredo na ilang bagay na lamang ang tinatapos gaya ng door knobs at kailangang matuyo ang bagong pintura sa loob ng kuwarto.
Nitong Martes ay ipinag-utos ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas na dumidinig sa kasong electoral sabotage ang paglilipat kay Rep. Arroyo sa hospital arrest sa Veterans hospital. (May ulat nina Angie dela Cruz at Lordeth Bonilla)