MANILA, Philippines - Hindi umano dapat magpatukso ng labis ang mga mamimili sa konsumerismo ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Caritas Manila executive Director Fr. Anton Pascual, kinakailangang magkaroon ang bawat isa ng financial intelligence nang makapagdesisyon na tanging ang kailangan lamang ang dapat bilhin, hindi kung ano lamang ang gusto at nakapukaw ng atensyon sa mga pamilihan.
Umapela rin si Fr. Pascual sa taongbayan na bago pa maubos ang kanilang mga Christmas bonus, mas mabuting tingnan muna kung ano ang kailangan lamang bilhin at huwag kalimutang mag-impok para magamit pa sa mga darating na panahon.
“Kaya’t sa mga kapanalig natin bago tayo mamili at ubusin ang ating bonus ngayong Christmas, tingnan muna natin kung ano talaga ang ating pangangailangan at mahalaga tayo ay mag-impok upang tayo ay mayroong dudukutin kapag dumarating ang ating pangangailangan, mahalaga talaga ang financial intelligence upang makapag-ipon at gumastos lang ayon sa pangangailangan natin,” pahayag ni Pascual.