MANILA, Philippines - Sa halip na magmakaawa, dapat munang siguruhin ng gobyerno ng Pilipinas na nabigyan ng due process ng Chinese court ang overseas Filipino worker na bibitayin sa China dahil sa kasong drug trafficking.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ang pagtanggap sa hatol ay hindi makakapagligtas sa OFW na nasa death row dahil malinaw umano ang nakasaad sa Article 36 ng Vienna Convention on Consular Relations na dapat na ipagbigay alam nito agad sa Philippine government sa pamamagitan ng embassy ang pag-aresto sa Pinoy upang masiguro na ang karapatan nito sa due process ay narerespeto.
Bukod dito dapat din siguruhin ng China na naiintindihang mabuti ng akusado sa pamamagitan ng interpreter ang trial proceedings sa lengguwaheng ginamit dito.
Inihalimbawa ni Colmenares ang nangyari sa isang drug mule sa Thailand kung saan ang isang Filipina ay nag-plead ng guilty sa kanyang kaso ng sumagot ito ng “no” dahil sa hindi naintindihang tanong ng Judge na “kung gusto nitong lumaban o hindi”.
Ang pagbibigay din umano ng isang Chinese lawyer ay hindi naaayon sa basic right ng isang akusado dahil ang nangyari umano sa Thailand ay tinanong lamang ito ng 3 tanong ng abogado na kinalaunan ay nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong kayat hindi umano ganitong abogado ang dapat ibigay sa mga Pinoy.