MANILA, Philippines - Nakalalason ang mga pinturang ginamit sa mga playground sa lungsod ng Maynila.
Ito ang nabatid mula sa EcoWaste Coalition kung saan umapela ito sa mga opisyal na magsagawa ng “lead hazard assessments” sa mga naturang pasilidad para na rin sa kalusugan ng mga batang naglalaro sa mga playgrounds.
Nabatid sa EcoWaste na lumabas sa mga pagsusuri na positibo sa lead ang mga palaruan sa Rizal Park Children’s Playground sa Ermita; Plaza Azul sa Quirino Ave., Pandacan; Plaza de la Virgen sa West Zamora St. sa Pandacan at Dakota Playground sa Adriatico St. sa Malate.?Ayon sa grupo, 16 sa 29 swings, see-saws, monkey bars at iba pang pasilidad ay sumailalim sa X-Ray Fluorescence analyzer kung saan lumitaw ang lead content.
Lumilitaw na sumobra ang laki sa 90 ppm safety limit ang mga pintura na ginamit ayon sa US Consumer Product Safety Improvement Act.? Idinagdag pa ng grupo na nakapagtala ng pinakamataas na lead content ang mga palaruan sa Dakota playground, na umaabot sa 44,800 ppm hanggang 200,700 ppm.
Nabatid naman kay Engr. Deng Manimbo, parks and recreation bureau director, kailangan din nilang malaman kung paano isinagawa ang pagsusuri. Aniya dapat na isinagawa ang test sa mga kamay ng batang naglalaro sa mga palaruan.
Tiniyak din ni Manimbo na ligtas ang mga pintura na kanilang ginamit dahil ang kapakanan ng mga bata at publiko ang kanilang pangunahing isinasaalang-alang.