MANILA, Philippines - Hindi umano dumadalo sa sesyon ang mga kongresista na nagpalistang magtatanong sa mga sponsors ng Reproductive Health bill upang hindi umano umusad ang naturang panukala.
Sinabi ni Akbayan Rep. Arlene Bag-ao na mistulang niyuyurakan na ng kanyang mga kasamahan ang proseso ng paggawa ng batas.
Noong Miyerkules, tumayo si Bag-ao sa plenaryo at nagreklamo dahil wala na naman umano ang mga interpellators na sina Cebu Rep. Gabriel Luis Quisumbing at Cebu Rep. Pablo John Garcia kaya hindi natuloy ang deliberasyon ng RH bill.
Nang magdesisyon si Leyte Rep. Sergio Apostol na siya na muna ang sasalang na interpellators, sinabi nito na kakain muna siya ng merienda. Nang siya ay bumalik sa plenaryo sinabi nito na hindi siya makatayo dahil sumama ang kanyang tiyan.
Dalawampu’t pitong kongresista pa ang nakapilang interpellators para sa RH.