Singil sa text P.80 sentimos na lang
MANILA, Philippines - Ibinaba na ng mga kumpanya sa telekomunikasyon ang singil sa bawat text message o short messaging service (SMS) sa P.80 sentimos na lamang buhat sa karaniwang singil na P1 kada text.
Ito ang inihayag ng National Telecommunication Commission (NTC) kung saan inaasahang ipinatupad na ito ng mga nangungunang telecommunications company tulad ng Smart Communications, Globe Telecom at Sun Cellular.
Sinabi ni NTC deputy commissioner Delilah Deles na nagpadala na sa kanila ng liham ang naturang mga kumpanya na ibababa nila ang kanilang SMS access charge epektibo kahapon, Nobyembre 30.
Ito’y makaraang mag-isyu ng memorandum circular kamakailan ang NTC sa mga telecom companies na ibaba ang “maximum interconnection charge” sa SMS sa pagitan ng dalawang networks mula P.35 hanggang P.15 sentimos.
Nakasaad rin dito na dapat magbigay ang mga network providers ng maayos at mabilis na “inter-connection links o circuits” upang matiyak na 99% ng mga text messages ay maipapadala sa destinasyon nito sa loob lamang ng 30 segundo.
Matatandaan na nagpalabas rin ngayong buwan ng Nobyembre ang NTC ng memorandum circular sa mga network providers na huwag putulin ang serbisyo ng kanilang “unlimited calls and texts” sa buong buwan ng Disyembre kabilang na ang mismong araw at gabi ng Pasko at Bagong Taon.
Ang Pilipinas ay kilala bilang text capital sa buong mundo. (Danilo Garcia/Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending