MANILA, Philippines - Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) na ilang lugar sa bansa na nakataas ang shellfish ban dahil sa pagtataglay ng red tide kaya’t dapat alamin kung saan nagmula ang mga shellfish bago kainin.
Sa Shellfish Bulletin No. 25 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipinadala sa tanggapan ng DOH, kabilang na rin sa positibo sa red tide toxin ang coastal waters ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Orani, Abucay at Samal.
Nakasaad rin sa shellfish bulletin ang pagbabawal sa paghuli, pagbebenta at pagkain ng mga shellfish na nakukuha sa mga naturang lugar. Hindi rin umano ligtas kainin kahit ang alamang o shrimp paste.
Gayunman, nilinaw ng BFAR na ligtas kainin ang isda, pusit at alimango, na sariwa at hugasang mabuti.
Nananatili pa rin ang shellfish ban sa Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte, Masinloc Bay sa Zambales at Matarinao Bay sa Eastern Samar.