Pulis na may kaso walang bonus
MANILA, Philippines - Walang maaasahang 13th month pay at extra bonus ang mga pulis na may kinakaharap na kasong kriminal at administratibo.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome kasunod ng pagpapalabas ng PNP National Headquarters sa Camp Crame ng P1. 733 bilyong halaga ng allotment budget ng pulisya para sa year-end bonus ng police personnel.
Ipinaliwanag ni Bartolome na ang hindi pagkakaloob ng naturang insentibo sa mga pulis na may kinakaharap na kaso ay bahagi ng kanilang ‘disciplinary policy’.
Ang pamamahagi ng year-end bonus ay ipinalabas na ng PNP Finance Service sa bawat Regional Finance Service Offices na siya namang mamamahagi sa kani-kanilang mga personnel.
Bukod sa mid year bonus ng mga pulis ay tatanggap rin ang mga ito ng extra bonus mula sa savings ng PNP na P3,000 at P7,000 naman mula sa National Treasury.
Inaasahan rin ng PNP na sa pamamagitan ng maagang pamamahagi ng bonus ay magiging masaya ang pamilya ng mga pulis at higit pang magiging inspirado ang mga ito sa trabaho.
- Latest
- Trending