MANILA, Philippines - Panalo muli ang Pilipinas sa naganap na halalan ng Council of the International Maritime Organization (IMO) sa ilalim ng Category “C.”
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa London sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Pilipinas ay nahalal sa eleksyon noong Nobyembre 25 sa ginanap na 27th Regular Session ng IMO Assembly sa IMO Headquarters sa London, United Kingdom.
Ayon kay Ambassador Enrique Manalo, Philippine Permanent Representative sa IMO, ang muling paghalal sa Pilipinas sa IMO ay nagpapakita na kinikilala ng may 170-member UN organization ang Pilipinas.
Ang Pilipinas ay unang na-elect sa IMO Council noong 1997 sa nasabing kategorya kung saan 20 gobyerno ang kumakatawan sa iba’t ibang pangunahing geographical areas sa buong mundo na may interes sa maritime transport at navigation.
Bukod sa Pilipinas, kabilang sa mga bansang nahalal ang Australia, Bahamas, Belgium, Chile, Cyprus, Denmark, Egypt, Indonesia, Jamaica, Kenya, Liberia, Malaysia, Malta, Mexico, Morocco, Singapore, South Africa, Thailand, at Turkey.
Ang IMO ay isang UN specialized agency na responsible sa pagtiyak ng maritime safety at security at pagbibigay proteksyon sa marine environment.
“The Council is the Executive Organ of IMO and is responsible for supervising the work of the Organization,” ayon sa DFA.