SAN LUIS, Pampanga ,Philippines – Siniguro ng Malacañang na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa Productivity Enhancement Incentive (PEI) bonus na taunang ipinagkakaloob sa mga government employees.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio Coloma Jr. sa paglulunsad ng Pilipinas Natin sa “GMA country”, hihintayin na lamang natin ang mismong announcement ni Pangulong Benigno Aquino III para sa nasabing bonus na taunang ibinibigay sa mga empleyado ng gobyerno bukod sa 13th month pay nila.
Wika pa ni Sec. Coloma, posibleng sa kalagitnaan ng Disyembre ay inanunsyo na ng Palasyo ang pagkakaloob ng PNoy bonus na ito.
Ang P7,000 ay magmumula sa national government habang ang P3,000 naman ay mula sa kani-kanilang government agencies para sa PEI, paliwanag pa ni Coloma.
Samantala, inihayag din kahapon ni DBM Sec. Butch Abad na nagrekomenda na siya kay Pangulong Aquino ng karagdagang P11.68 bilyong pondo para sa bonus ng 1.67 milyong government employees ngayong Pasko.
Naging matagumpay ang inilunsad na Pilipinas Natin sa teritoryo mismo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bayang ito.
Idinagdag pa ni Coloma, layunin ng Pilipinas Natin na magkaisa ang buong sambayanan at kalimutan na ang mga political affiliations upang sama-samang iangat natin ang Pilipinas.