Debate sa kaso vs GMA umarangkada
MANILA, Philippines - Hindi pa man nagsisimula ang pagdinig sa kasong electoral sabotage na isinampa laban kay dating Presidente at Pampanga Rep.Gloria Arroyo, umiinit na ang debate sa legalidad ng naturang kaso.
Sa kabila ng paggigiit ng mga legal experts ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Justice na walang iregular sa kaso, iginigiit naman ng isang kilalang abogado na labag sa Saliganbatas ang kaso laban kay Mrs. Arroyo. Ito ang sinabi ni Atty. Alan Paguia sa isang inilabas na legal opinion.
Pero sa panig ng mga abogado ng administrasyon, sinasabi na ito’y nakatadhana sa Election Sabotage Law na pinagtibay ng ika-13 Kongreso noong 2007. Gayunman ipinagdiinan ni Paguia na kuwestyonable ang batas dahil wala umanong batayan ang pagkakapatibay sa Konstitusyon.
Si Paguia ay nagsilbi ring counsel ni dating Pang. Joseph ‘Erap’ Estrada sa kasong plunder. Siya rin ang kumwestyon sa legalidad ng pagkakaalis sa puwesto ni Estrada sa kainitan ng EDSA 2 noong 2001.
Nahadlangan ng demanda kay Mrs. Arroyo ang kanyang planong paglabas ng bansa para magpagamot dahil isang warrant of arrest ang agad ipinalabas at siya’y ipinailalim sa hospital arrest.
“Malabo at sobra-sobra ang ‘classification’ at depinisyon ng ‘election sabotage’ na makikita sa Section 42 ng RA 9369. “The defect is legislative. Therefore, the cure must also be legislative” ani Paguia.
“It cannot be cured by judicial construction because the language (verba) of the law is clear.”
Ani Paguia, “sablay” din ang inilagay ng mga mambabatas na probisyon kung saan ang nasabing kaso ay isasampa sa mga RTC.
Bukod dito, wala daw awtoridad ang Pasay RTC na hawakan ang kaso at mag-isyu ng warrant laban sa mga akusado dahil ang Sandiganbayan lamang umano ang dapat humawak sa naturang usapin batay naman sa ibinigay na kapangyarihan dito ng 1973 at 1987 Constitution.
Aniya, hindi lang mga kasong katiwalian ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno ang sakop ng Sandiganbayan, bagkus ano pa mang krimen at pang-aabuso na naganap sa kanilang panunungkulan.
Bunga nito, wala umanong bisa ang warrant na inisyu ng Pasay RTC laban kay Mrs. Arroyo.
“Ang pag-aresto kay GMA ay nakabatay sa isang warrant na wala namang bisa dahil labas sa hurisdiksyon ng Pasay RTC ang naturang usapin,” paliwanag pa ni Paguia.
- Latest
- Trending