MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ng Korte Suprema na mayroong leakage sa 2011 Bar examinations.
Ayon kay Supreme Court spokesman at Court Administrator Jose Midas Marquez, tsismis lang ang lumalabas na balitang nagkaroon ng leakage sa multiple choice question sa 2011 Bar exams na ginagawa ngayon sa University of Santo Tomas (UST).
Ayon kay Marquez, taun-taon na lamang umano ay may mga balitang nagkakaroon ng dayaan sa Bar exams subalit wala naman daw basehan ang mga ito.
Una nang lumabas sa isang artikulo na iniwan umano ang leakage sa isa sa mga examination room sa UST bago magsimula ang exam noong November 6.
Lumabas umano ang mga naturang leak questions noong Nobyembre 6 at Nobyembre 20.
Ayon pa sa report, isang Jess Mundo, na umano’y examiner sa 2011 Bar exams ang source ng leakage.
Ipinaliwanag ni Marquez na maaring si Sandiganbayan Justice Alex Gesmundo ang tinutukoy sa report subalit hindi totoo na isa ito sa mga examiner.