MANILA, Philippines - Hinimok ni Ang Kasangga partylist Rep. Ted Haresco ang gobyerno ni Pangulong Aquino na dagdagan pa ang paggastos, partikular sa mga proyektong pang-imprastruktura na daan para sa higit na pag-unlad ng bansa.
Reaksyon ito ni Haresco kasunod ng huling pagtaya ng World Bank sa pag-unlad ng Pilipinas na mula 4.5% sa Oktubre 2011 ay naging 4.2% na lamang pagkatapos ng isang buwan.
Ayon kay Haresco, dapat ikonsidera ng gobyerno ang pahayag ng World Bank na sa harap ng humihinang paglabas ng mga produkto ng bansa dahil sa pinansyal na krisis sa Amerika at Europa, mahalaga ang pamumuhunan sa sektor ng imprastruktura upang mapanatili ang mas mataas sa 5% ang Gross Domestic Product.
Sinabi ni Haresco, ang ginagawa ngayong napakatagal na pagbusisi ng pamahalaan sa mga infrastructure program ng nakalipas na administrasyon kahit nakakatulong sa kampanya laban sa korupsyon ay nagpababa naman ng tiwala ng mga negosyante.
Ayon kay Haresco, kung gugustuhin ng administrasyon ni PNoy na magkaroon ng angkop na proyekto sa tamang presyo at wastong paglalagakan nang hindi nasasayang ang kaban ng bayan, dapat ay ituon ang Overseas Development Assistance (ODA) sa infrastructure programs.