MANILA, Philippines - Patay na umano si Commander Ameril Umbra Kato, lider ng breakaway group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), matapos itong ma-stroke kahapon ng umaga sa isang lugar sa Central Mindanao.
Ayon sa military sources sa Central Mindanao, si Kato, 65, ay ineskortan pa ng kaniyang mga tauhan nang isakay sa isang pick-up na may plakang PFF-810 mula sa Cotabato City at dinala sa Tacurong City, Sultan Kudarat kung saan ito tuluyang binawian ng buhay dakong alas-10:30 ng umaga.
“He had a stroke since November 23, until this morning (Saturday) naputukan daw ng ugat sa ulo and then they failed to revive him (Kato),” ayon sa isang military senior officer na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Ayon sa opisyal, may anak si Kato sa Tacurong City kaya dito dinala ang bangkay nito upang mailibing sa loob ng 24 oras alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim.
Ang pagkamatay ni Kato ay kinumpirma rin ni Nash Pangadapun, Manila-based Secretary General ng Maradeka Bangsamoro People’s Alliance.
“His officers wanted to bring him to the hospital and wanted to negotiate a safe passage for him for humanitarian reasons, he died this morning,” ani Pangadapun sa pagpanaw ni Kato.
Sinabi naman ni Ghadzali Jaafar, MILF Vice Chairman for Political Affairs na sa kasalukuyan ang tanging makukumpirma niya ay paralisado na at hindi makapagsalita si Kato.
Ayon pa sa opisyal, patuloy nilang minomonitor ang kondisyon ni Kato na may warrant of arrest sa mahigit 80 kaso ng multiple murder dahil sa North Cotabato attack noong Agosto 2008 at may patong sa ulong P10 milyon.
Samantala, itinanggi at pinagtawanan lamang ni BIFF spokesman Abu Misri ang napaulat na pagkamatay ni Commander Kato na umano’y pawang espekulasyon lamang.
“Buhay pa siya,” giit pa nito pero inamin na hinimatay si Kato dahil umano sa asthma noong nakaraang linggo sa kanilang kampo.