iBus system para sa loading/unloading zones nais ipatupad ng MMDA
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung maaaring maipatupad at magiging akma sa Kamaynilaan ang paggamit ng tek nolohiyang “iBus (intelligent bus) system” para sa maayos na “loading/unloading” ng mga pampasaherong bus sa mga nakatakdang loading bays.
Kahapon, bumisita kay Chairman Francis Tolentino sina Filipino inventors Elma Arboleras na kasama si Rodel de Guzman na umimbento ng iBus system na nanalo ng parangal sa British Invention Award for 2011 sa London para sa “Outstanding Contribution and Application of Innovation for the Public Transport System”.
Sinabi ni Arboleras na talagang nilikha nila ang iBus system para ma isaayos ang sistema ng pagbababa at pagsasakay ng mga pampasaherong bus at matigilan ang mga pasaway na driver na “overstaying” sa mga loa ding bays na kanilang naobserbahan sa Metro Manila at isa sa pangunahing sanhi ng lubhang pagbubuhol ng trapiko.
Pinanood nina Tolentino ang video footage kung paano gumagana ang iBus system. Gumagamit ang sistema ng “machine readable tags” na maaaring ikabit sa pintuan ng mga bus na mababasa ng mga makina sa mga bus stops. Matutukoy nito kung angkop ang posisyon ng bus sa kanilang pagbababa ng pasahero at pagsasakyan kung saan mabubuksan ang pintuan kung nasa tamang porma.
Maaari naman umanong ma-override ang sistema sa oras ng emergency ngunit kailangan pa itong makumpirma ng MMDA Metrobase.
Ipinangako ni Tolentino na ipiprisinta nila ang naturang proyekto nina Arboleras sa mga kinatawan ng Metro Manila bus operators kung magiging katanggap-tanggap ito. Ngunit habang hindi epektibo, nasa ilalim pa ito ng pag-aaral kung saan susubukan muna ang konsepto sa 10 buses na bumibiyahe sa EDSA.
- Latest
- Trending