'Mugshot photo ni GMA not for sale' - PNP
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Nicanor Bartolome na hindi ipinagbibili ang mugshot photo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na nahaharap sa kasong electoral sabotage.
“Hindi po ito ipinagbi bili, ang aming tungkulin dito ay dalhin ito (mugshot) sa korte,” sabi ni Bartolome matapos na makarating sa kaalaman nito na may mga interesadong bilhin ang kontrobersyal na mugshot photo.
Isa sa mga nais bumili ng naturang mugshot ang aktibistang abogado na si Atty. Argee Guevarra na nag-alok ng P50,000 sa PNP para makakuha ng kopya ng nasabing larawan at umano’y ihahanay niya sa display ng kaniyang mga ‘political tormentor’ sa kaniyang law office.
Si Guevarra ay nakaranas ring makunan ng ‘mugshot’ noong panahon ng termino ni dating Pangulong Arroyo dahil sa paglahok sa mga kilos protesta noong Pebrero 2006 at matapos na isabit sa Manila Peninsula siege noong Nobyembre 2009 sa bigong mga pagtatangka na ibagsak ang gobyerno.
Idiniin ni Bartolome na walang katapat na presyo ang kontrobersyal na mugshot at tanging ang korte lalo na ang Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang may karapatan dito.
“Ang utos ko diretso na yang mga photos sa korte (RTC 112 ) at bahala na sila kung saan nila puwedeng ipamigay”, punto pa ni Bartolome.
Sa kabila nito ay kumalat ang kontrobersyal na mugshot photo sa internet at nalathala pa sa isang kilalang pahayagan pero nanindigan ang PNP na peke ito na hindi ang orihinal na isinumite sa tanggapan ni Judge Jesus Mupas ng RTC 112.
Idinagdag pa ni Bartolome na kahit na maituturing na ‘public record’ ang naturang mga mugshot photo ay ang korte pa rin ang may kapangyarihan na magtago at mag-isyu nito.
Magugunita na noong 2001 nang makunan ng mugshot photo si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na inaresto kaugnay ng kasong plunder sa Sandiganbayan ay isinapubliko ang naturang mga larawan.
- Latest
- Trending