Subpoena sa 3 duktor ni GMA ipinalabas ng korte

MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng subpoena ang Pasay City Regional Trial Court para sa tatlong doktor na tumitingin kay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo upang dumalo ito sa pagdinig sa korte nga­yong Biyernes para magbigay ng testimonya sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng kanilang pasyente.

Dakong ala-1 ng hapon kahapon nang ihain ni Pasay RTC Branch 112 Clerk of Court Atty. Joel Pelicano ang subpoenas para kina Dr. Juliet Gopez-Cervantes, Mario Ver at Roberto Mirasol.

Tinanggap naman ang subpoena ni Marilen Lagniton, vice-president for media affairs ng St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig kung saan naka-hospital arrest si Arroyo.

Tiniyak ni Lagniton na handa umano ang tatlong manggagamot na dumalo sa pagdinig upang maibigay ang kanilang propesyunal na testimonya sa mga sakit ng kanilang pas­yente.

Matatandaan na nag­hain ng mosyon nitong na­ karaang Miyerkules si Maria Juana Valeza ng Commission on Elections investigation and prose­cution division upang hi­li­ngin na paharapin sa korte ang tatlong manggagamot.  Nais ng pamahalaan na mabatid ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Arroyo buhat mismo sa mga manggagamot nito at hindi sa mga tagapagsalita lamang ng dating pangulo.

Dito umano mababatid ng korte kung hanggang kailan ang itatagal ng “hospital arrest” nito o kung maaari na itong ili­pat sa tamang detention facility.

Una nang iginiit ng kampo ni Arroyo na sa korte lamang sila magpapalabas ng “medical bulletin” hindi tulad ng mga naunang pagkaka-confine nito sa St. Luke’s na araw-araw ay binibigyan ng update ang mga naghihintay na mga ma­mamahayag. 

Matatandaan na sinabi ni Atty. Raul Lambino, isa sa abogado ni Arroyo, na lumala umano ang problema sa gulugod nito bukod pa sa dinaranas na anorexia, hypertension at impeksyon sa sikmura.

Ang pagtestigo ng mga doctor ni dating Pa­­­ ngulong Gloria Macapa­gal-Arroyo sa korte ang magbibigay-linaw sa tu­nay na kalagayan ng kasalukuyang kongre­sista ng Pampanga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin La­cierda na walang makakapagsabi ng tunay na kalagayan ng dating Pa­ngulong Arroyo kundi ang mismong mga manggagamot nitong sumusuri sa kanya.

Sinabi ni Lacierda na ang pagharap at pagtestigo ng mga manggagamot ni Arroyo sa korte ay magbubura sa agam-agam sa tunay na kalagayan ng kalusugan nito.

Arestado si Arroyo sa kasong electoral sabotage pero pinayagan muna ng Pasay RTC na manatili sa St. Lukes Medical Center. 

Show comments