Luisita ipapamahagi na

MANILA, Philippines - Inutos ng  Korte Suprema ang pamamahagi ng Hacienda Luisita sa Tarlac matapos  na   14 na  mahistrado ang  bumoto pabor sa mga  magsasaka roon.

Sa 56 pahinang de­sisyon na sinulat ni Associate Justice Presbi­tero Velaso, pinagba­ba­yad nito ang Hacienda Luisita ng P1.3 bilyon sa mahigit 6,000 magsasaka.

Binago rin ng Supreme Court (SC) ang nauna nitong desisyon noong Hulyo kung saan pinapipili ang mga magsasaka kung gusto nila ng lupa o shares of stocks.

Ang naturang  sugar plantation ay pag-aari ng pamilya Cojuangco na kamag-anak ni Pangulong Benigno Aquino III.

Labis naman na ikinatuwa ng ilang militanteng grupo ang naging desisyon ng korte na ipa­mahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka.

Ayon kay Atty. Antonio Ligon, abogado ng mga magsasaka, igi­na­ galang umano nila ang nasabing desisyon bagaman hindi pa aniya nila natatangap ang kopya ng desisyon.

Sinabi pa ni Ligon na, sa ngayon, may­ro­ong mahigit 10,000 mga legitimate farm workers sa hacienda habang ang makikinabang lamang sa land distribution scheme ay nasa 6,296.

Pag-aaralan naman umano nila ang pagi­ging kompensasyon sa mga land owners kasunod ng naturang desis­yon ng kataas-taasang hukuman.

Sinasabi naman ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na hindi dapat kaladkarin ang pangalan ng Pa­ngulo sa isyu ng Ha­ cienda Luisita Inc. dahil inalis na nito ang sosyo­ nito sa korporasyon no­ong nakaraang taon.

Sinabi rin ni Lacierda na hihintayin pa ng Ma­lacañang na maging pinal at executory ang naturang desisyon bago ito ipatupad ng pamahalaang Aquino.

Sinabi pa ni Lacierda­ na wala pa silang nakikitang kopya ng desis­yon ng Mataas na Hukuman.

Sinabi rin ni Ligon na tagapagsalita rin ng HLI ang nagsabing paborable sa lahat ng partido ang desisyon dahil wala naman silang pagtutol sa land distribution ru­ling pero pag-aaralan pa din daw nila ang susunod nilang hakbang matapos itong mabasa.

Sa panahon ng kam­­panya noong 2010 elections, sinabi ni Pangulong Aquino na maliit na lamang ang kanyang shares sa HLI na mas ma­baba pa daw sa 1 per­cent at wala daw siyang pagtutol sa distribusyon ng lupain nito sa mga magsasaka.

Idinagdag pa ni La­cierda, sakaling maging pinal na ang desisyon ng SC ay ipapatupad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kautusan ng korte na ipamahagi sa mga magsasaka ng HLI ang lupain nito.

Kaugnay nito, sinabi ni DAR Secretary Virgilio de los Reyes na handa na itong ipamahagi sa mga magsasaka ang lupain sa Hacienda Lu­sita.

Sinabi ni de los Reyes na noon pa man ay may nakahanda nang plano ang ahensiya  sakaling paboran ng Mataas na Hukuman ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita para sa 6,296 na magsasaka na nagtatanim dito.

Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi pa aaksiyon agad ang ahensiya hinggil dito dahil hanggang sa kasaluku­yan ay hindi pa nakaka­tanggap ng kopya ng de­sisyon ng Korte Su­prema ang DAR sa usapin ng Hacienda Luisita case bagamat nalaman niya ang balitang ito sa media noong isang araw pa na nagsasaad ng paborableng aksiyon para sa mga farmer be­neficiaries ng naturang lupain.

Show comments