MANILA, Philippines - Patuloy umanong “binababoy” ang mga nag-aalaga ng baboy sa bansa bunsod ng matinding pagkalugi.
Ito ang inihayag kahapon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones sa isang media forum sa Maynila.
Ayon kay Rep. Briones, walang katotohanan ang pahayag nina Jess Cham, meat importer at Francisco Buen camino, meat processor na kukulangin ng karne ng baboy sa bansa sa darating na araw ng Pasko kaya kailangan ng umanong umangkat sa ibang bansa.
Ayon sa mambabatas, sobra-sobra ang supply sa merkado at hindi kailangan na mag-import sa ibang bansa.
Bunsod nito, umaapila si Briones kay Agriculture Sec. Proseso Alcala na huwag bigyan ng import permit ang grupo nina Cham at Buencamino dahil lalong malulugmok sa pagkalugi ang mga magbababoy sa bansa.
Sa ngayon ay nasa P85-P89 na lamang ang farm gate price ng baboy mula sa dating presyo na P115 per kilo.
Aniya, may kabuuang P1,000 kada isang baboy ang nalulugi sa ngayon sa mga magbababoy o mahigit pa sa isang bilyon kada buwan na lugi.
Tiniyak ni Rep. Briones, hindi kakapusin ng karne ng baboy at manok sa bansa sa darating na Pasko at Bagong Taon.