MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa yumaong dating Pangulong Corazon Aquino, isinusulong sa Kamara ang pagpapalit ng pangalan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) sa pangalan ng yumaong pangulo.
Sa House Bill 5422 ni Bohol Rep. Rene Relampagos, nais nitong gawing Cory Aquino Avenue ang pangalan ng EDSA bilang pagkilala dahil ito umano ang kauna-unahang babaeng presidente at isa sa pangunahing personalidad sa naganap na 1986 Edsa revolution.
Nakapaloob sa panukala ang pagbasura sa Republic Act 2140. Ang RA 2140 ang naging daan para ipangalan ito sa Edsa noong 1959. Bago naging EDSA, ang pangalan ng kalsada ay Highway 54 na may habang 24 kilometro at isa sa pinaka abalang kalsada sa Metro Manila. Naging EDSA lamang ito sa bisa ng RA 2140. Si Epifanio delos Santos ay isang Filipino historian.
Kinontra naman niBayan Muna Rep. Teddy Casino ang panukala na tinawag niyang historically problematic.
Niliwanag nito na ang naganap na pag-aalsa sa EDSA ay hindi tungkol kay Cory kundi sa mga taong nakibaka laban sa da ting pangulong Ferdinand Marcos upang makamit ang kalayaan ng bansa.
Mungkahi naman ni House Minority Leader Edcel Lagman, mas mabuting gamitin na lamang ang pangalan ng yumaong pangulong Cory Aquino sa isang kalsada sa Tarlac.
Ang panukala ay inihain noong Oktubre 13 at ipinadala na sa House committee on public works and highways para pag-usapan.