MANILA, Philippines - Hiniling ng mga mambabatas na gawing live coverage ang pagdinig sa kasong electoral sabotage ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo. Sinabi nina AGHAM Partylist Representative Angelo Palmones at San Juan City Rep. Joseph Victor Ejercito, maipapakita ang transparency sa gagawing makasaysayang pagdinig ng korte bukod pa dito maipapakita rin umano sa publiko ng kampo ng dating pangulo na wala silang kasalanan.
Pabor din sa live coverage, ang chairman ng House Public Information Committee na si Eastern Samar Rep. Ben Evardone at sinabing isa rin umano itong paraan upang masiguro ang paglabas ng buong katotohanan sa mga bintang laban kay GMA.
Bukod dito kailangan din umano ang full access ng publiko sa paglilitis upang maiwasan ang anumang suspetsa dahil makikita dito kung sino ang gagamit ng delaying tactics.
Kumbinsido din si Evardone na may negatibo ring epekto ang live coverage at ito ay ang posibleng magamit ito sa grand standing ng magkabilang kampo.
Ayon naman kay Cavite Rep. Emilio Abaya, kung hindi uubra ang live coverage ay dapat na may regular update na lamang sa pagdinig ng kaso.
Samantala, tutol naman si Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso sa panukalang isapubliko ang pagdinig sa kasong electoral sabotage ni CGMA.
Sinabi ni Medroso, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Cannon Law, mas magiging maayos at hindi maabala kung sa korte na lamang dahil kung isasapubliko, marami umanong consideration na dapat isaalang-alang at hindi malayong gamitin pa sa pulitika ang ilang isyu.