MANILA, Philippines - Matapos na mapatay si dating Libyan President Moammar Gadhafi, bumagsak na rin sa kamay ng bagong Libyan government ang anak nito na si Seif al-Islam na nag-iisang wanted sa mga miyembro ng pamilya Gadhafi.
Kinumpirma ng Libyan officials ang pagkakadakip kay Seif al-Islam na pinaghahanap matapos masampahan ng kaso sa International Criminal Court dahil sa “crimes against humanity”.
Base sa report, si Seif al-Islam ay natatanging anak ni Gadhafi na sinasabing papalit sana sa puwesto ng napaslang na ama.
Ang anak ni Gadhafi ay nasabat habang papatakas umano patungong Niger kasama ang dalawang aides sa bayan ng Obari dakong alas-4 ng madaling-araw matapos ang isang gun battle.
Si Seif al-Islam Gadhafi, 39, ang panganay mula sa pitong anak nina Moammar Gadhafi at misis na si Safiya.
May nakabinbing arrest warrant laban kay Seif al-Islam na inisyu ng ICC at nakatakda itong ipasa sa nasabing international court upang kaharapin ang kanyang mga kaso.