No pardon - PNoy
MANILA, Philippines - Wala umanong maaasahang pardon si dating Pangulong Gloria Arroyo kapag nasentensiyahan sa kasong electoral sabotage, anang political spokesman ng Palasyo.
Kasabay nito, tahasang sinuportahan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel ang pagsusulong ng kasong plunder at electoral sabotage laban kay Arroyo kasabay ng pagsuporta sa ginawang aksyon ni Justice Secretary Leila de Lima kaugnay nito.
Nauna rito’y sinabi ni Undersecretary for Political Affairs Chito Gascon na hindi gagayahin ni Presidente Aquino si Gloria na naggawad ng pardon kay dating Presidente Estrada matapos mahatulan sa kasong plunder. Ayon kay Gascon, malaki ang atraso sa bansa ni Arroyo dahil ito ay seryosong korupsiyon.
Ayon kay Pimentel, sinusuportahan niya si Secretary de Lima dahil ang aksyon nito’y pumigil sa pagtalilis sa bansa ni Arroyo at dapat itong purihin imbes na tuligsain sa pagtataguyod sa hustisya at patakaran ng batas.
Pinuri rin ni Pimentel si Associate Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa kanyang dissenting opinion sa Temporary Restraining Order na inilabas ng Korte Suprema sa Watch List order na naunang ipinatupad upang pigilin ang paglabas sa bansa ng mag-asawang Arroyo.
Ani Sereno, ang Nov. 15 TRO ay nananatiling may bisa dahil ang mag-asawang Arroyo ay hindi natugunan ang Condition No. 2 - na nagsasabing “the petitioners shall appoint a legal representative common to both of them who will receive subpoena, orders, and other legal processes on their behalf during their absence.”
Sinabi pa ni Pimentel na hindi dapat idesekato ng Mataas na Hukuman si de Lima sa umano’y pagbalewala nito sa TRO.
Ipinaliwanag ng senador na, bilang kalihim ng Department of Justice, tungkulin ni de Lima na igiit na hindi ganap ang kalayaan sa pagbibiyahe ni Arroyo na kasalukuyang kongresista ng Pampanga.
Idinagdag ng senador na ang pagpayag na makaalis si Arroyo sa bansa ay isang pagtalikod na ni de Lima sa tungkulin nito na itaguyod ang pamamayani ng batas sa bansa.
- Latest
- Trending