Kabataang katutubo bigyan ng patas na pagkakataon
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si South Cotabato provincial tribal youth council president Jonie Dulong sa mga kritiko ng panukalang Tampakan mining project na bigyan ang mga katutubong kabataan ng “patas na pagkakataon” na matamo ang kaunlarang kailangan ng kanilang henerasyon.
“Isang pamumuhunan ito na nangangahulugan ng kaunlaran at progreso at pakikinabangan ng mga kabataang Blaan, bakit hindi nila pag-aralan at imonitor ang proyekto bago magsabi ng negatibong bagay hinggil dito,” wika ni Dulong.
Nilinaw niya na ang mga kabataang Blaan ay mapagbantay at may tiwala na sa sarili ngayon kaya masusubaybayan nilang mabuti ang Tampakan mining project upang matiyak na wasto ang ginagawa sa proyekto.
Aniya, kung wala ang pamumuhunan na tumutulong mabago ang pananaw nila sa bagay-bagay ay walang susuporta sa hangarin nilang mga kabataan sa kaunlaran at progreso.
Sinabi ni Dulong na ang mga telebisyon, mobile phones, mga teksbuk, at mainam na paaralan ay magandang pangyayari na gumising sa mga kabataang Blaan na isiping gaganda ang kanilang buhay.
Idinagdag niya na hindi sapat ang alok na scholarship para mapaamo ang mga kabataang katutubo ngunit nilinaw na may tinatayang 1,000 kabataang Blaan ang iskolar ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) na kontratista ng gobyerno sa Tampakan mining project.
“Dapat maging lantad ang kabataan ng mga tribu sa pangakong kaunlaran bago nila tanggapin ang oportunidad sa edukasyon,” ani Dulong na umaming balewala ang scholarships kung walang trabaho at kabuhayan sa kanilang lalawigan.
- Latest
- Trending