MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni deputy presidential spokesperson Abigal Valte na nakahanda ang gobyerno na tapatan ang magagaling na abogado ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa sandaling gumulong na ang pagdinig sa kasong electoral sabotage na nakasampa sa Pasay City Regional Trial Court.
Ayon kay Valte, siguradong gagawin ng Office of the Solicitor General ang lahat ng kanilang makakaya upang maipanalo ang kaso laban kay Arroyo.
“Our OSG (Office of the Solicitor General) will certainly do its best in all the cases that it represents government on,” sabi ni Valte.
Nakatitiyak din si Valte na hindi magkakaroon ng delay sa pagdinig ng kaso ni Arroyo kahit pa natapat ito kay Pasay City judge Jesus Mupas na napaulat na pinagmulta ito ng P10,000 ng Supreme Court noong 2008 dahil sa matagal na pagbaba ng hatol sa isang kaso.
Ipinauubaya na rin umano ng Malacañang sa Department of Justice kung ano ang gagawin kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo na inaakusahan din ng katiwalian.