MANILA, Philippines - Mayroong lusot si Justice Sec. Leila de Lima sa contempt case na isinampa sa kanya dahil hindi naman nakumpleto ng kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang requirement na hinihingi ng Korte Suprema nang tangkain nilang umalis noong Martes.
Sinabi ni House Deputy Speaker Erin Tañada na hindi pa nasusunod ng kampo ni Arroyo ang tatlong kondisyon para makalabas ng bansa ang dating Pangulo.
Sa desisyon ng SC kamakalawa, sinabi nito na dapat gawing pormal ni Arroyo ang pagtatalaga sa kanyang legal representative.
Ang iba pang kondisyon ay ang P2 milyong travel bond at ang pagpunta nila sa Philippine embassy kung saang bansa sila tutungo.
Hindi pinayagan ng Bureau of Immigration si Arroyo at ang kanyang mister na si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo nang pumunta ito sa airport noong Martes.
Nang tanungin kung maaaring mayroong pananagutan si SC court administrator Midas Marquez dahil sa paggiit na maaaring makalabas si Arroyo nang hindi inaalam kung nakumpleto na ang requirements, sinabi ni Tañada na “maybe.”