MANILA, Philippines - Isinugod sa pagamutan si dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos Sr. matapos itong sumugod sa Comelec main office nitong Biyernes kaugnay ng balitang kasama siya sa mga sinampahan ng kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court (RTC).
Kinumpirma naman ni Mandaluyong City Public Information Officer (PIO) chief Jimmy Isidro ang balita ngunit bigo itong sabihin ang dahilan kung bakit naisugod sa pagamutan si Abalos.
“Pagkagaling yata ng Comelec,” ani Isidro.
Gayunman, nagpapahinga na lamang umano si Abalos sa ngayon at nasa maayos na itong kondisyon.
Matatandaang kaagad na sumugod si Abalos sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila nitong Biyernes ng umaga matapos na makarating sa kaniyang kaalaman na kasama siya sa sasampahan ng kasong electoral sabotage.
Gayunman, kaagad ding umalis si Abalos matapos na matiyak na wala ang kaniyang pangalan sa charge sheet at tanging sina dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Comelec provincial election supervisor Lintang Bedol lamang ang sinampahan ng kaso sa Pasay RTC.
Samantala, labis naman ang pasalamat ng anak ni Abalos na si Mandaluyong Mayor Benhur Abalos dahil hindi nakasama ang ama sa sinampahan ng kaso.
Aminado rin si Mayor Abalos na ‘drained’ na ang buong pamilya sa pinagdaraanang mga problema gaya ng pagkakadawit sa kanyang ama sa sinasabing maanomalyang NBN-ZTE broadband deal.
Tiniyak rin nito na pinag-aaralan na ng kanilang abogado ang nararapat na hakbang upang makamit ang tunay na hustisya at nanindigan na ‘technically at legally innocent’ ang kanyang ama sa mga katiwaliang ibinibintang dito.