MANILA, Philippines - Handa na ang selda ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, sa Southern Police District (SPD).
Ayon kay Chief Inspector Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng SPD, pansamantalang ikukulong sa library at media lounge si Gng. Arroyo sa sandaling alisin na ito sa St. Luke’s Medical Center.
Ang kuwarto ay nasa unang palapag ng gusali ng SPD, sa tapat ng grandstand na ang laki ay nasa 3x6 meters, may sariling lababo, maliit na lamesa at maliit na kama na may kutson at isang lumang aircon.
Sinabi ni Tecson, sa oras na gumaling na ang dating pangulo ay idederetso ito sa kuwartong kanilang inihanda.
Aniya, nasa korte pa rin umano ang huling desisyon kung saan dapat pansamantalang ikulong ang dating pangulo habang dinidinig ang kanyang kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court.
“Kami naman po ay handa, ang pamunuan ng SPD kung sakaling dito ikulong ang dating Pangulo sa oras na mailabas na siya mula sa ospital,” ani Tecson.
Kahapon ay isinailalim na sa mugshots at fingerprinting si Arroyo.
Isinagawa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Unit ang booking procedure sa silid ni Arroyo sa St. Luke’s habang gwardiyado ng mga kagawad ng pulisya dakong alas-3:45 kahapon ng hapon.
Ayon kay PNP-CIDG, NCR chief, Police Senior Supt. Joel Napoleon Coronel, nanguna sa booking procedure ni Arroyo, ilalabas ang mugshots ni Gng. Arroyo ayon sa kautusan ng korte.
Sa pagsasalarawan ni Coronel, malaki ang ibinagsak ng pangangatawan ng dating pangulo kumpara nitong mga nakalipas na mga araw.
Ayon naman kay Dr. Juliet Lopez-Cervantes, bone specialist ng St. Lukes, nasa 140/110 ang blood pressure ni Gng. Arroyo.
Na-dehydrate din ang dating lider kaya’t kinailangang uminom ng kaukulang gamot at ipagpatuloy ang suero.
Tiniyak naman ng PNP na hindi makakatakas sa mahigpit na pagbabantay ng mga pulis ang dating Pangulo habang hinihintay pa ang desisyon ng pamilya nito kung ‘hospital’ o ‘house arrest’ ang nais nila para sa dating lider ng bansa.
“We have sufficient number of personnel in charge sa hospital, more or less 60 policemen were securing the former President,” ani PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. matapos itong isailalim sa kustodiya ng PNP.
Bukod kay Arroyo, kasama rin sa kaso sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating provincial election supervisor Lintang Bedol.
Kung mapapatunayang nagkasala, habambuhay na pagkabilanggo ang kakaharapin ng mga akusado. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)