MANILA, Philippines - Sinabuyan ng paint bomb na may kulay pulang pintura at nayupi pa ang sasakyan na kabilang sa convoy ni US Secretary of State Hillary Clinton matapos manggaling sa Palasyo ng Malakanyang, habang pababa ng Ayala bridge sa San Marcelino st., Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Mula sa pag-akyat sa tulay ay hinarang na ng mga nakaabang na protesters mula sa League of Filipino Students (LFS) ang convoy na pawang sakay ang mga US Secret Service at Presidential Security Guard (PSG) dakong alas-2:30 ng hapon para magtungo sa forum sa National Museum, matapos ang luncheon meeting kay Pangulong Noynoy Aquino.
Nang makakuha ng tiyempo ang LFS ay pinagsisipa ang sasakyan at binato pa ng pintura, na tumama lamang sa pinakahuli sa apat na sasakyang convoy, at hindi naman iyon ang sinasakyan ni Clinton.
Sa pagdumog ng mga raliyista, si C/Insp Efren Pangan, nakatalaga sa PCP-Barbosa na umalalay sa pagdaan ng convoy, ay nawalan pa ng dalawa niyang cellphone at ang kaniyang sumbrero (police cap).
Sa pagsapit ng convoy sa National Museum sa Taft Ave. ay hindi rin umubra ang nakalatag na seguridad ng mga pulis dahil nakapasok mismo sa loob ng National Museum ang isang militanteng estudyante na may bitbit ng placard at doon nagsisigaw ng kanilang pagtutol sa Visiting Forces Agreement (VFA).