MANILA, Philippines - Umaabot sa 164 isnaberong taxi drivers ang hinuli ng National Capital Region-Land Transportation Office (NCR-LTO) sa ilalim ng programa ng ahensiya na “Oplan” Isnabero”.
Kahapon ng umaga sa pangunguna ni NCR-LTO director Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III, umabot ng 92 na isnaberong driver ang dinakip ng mga ito sa kahabaan ng Aurora Boulevard mula sa Cubao, hanggang sa kanto ng Katipunan, Quezon City katulong ang chief ng Lady Enforcers na si Adele Fabic at mga personnel ng Regional Law Enforcement Unit ng ahensiya.
Ayon kay Guadiz, lalo pang pinaigting ng NCR-LTO ang kanilang operasyon bilang tugon sa maraming reklamong pinararating sa kanilang opisina laban sa mga abusadong taxi, jeep, bus, truck at private vehicles drivers na patuloy na lumalabag sa batas trapiko.
Bukod pa sa regular days, mahigpit din inatasan ni Guadiz ang kanyang Lady Enforcers at RLEU na regular na magsagawa ng Oplan Isnabero tuwing araw ng Sabado at sa mga oras ng rush hours kung saan dito naglalabasan ang mga colorum (taxi, jeeps, bus, suv at fx) lalo na at papalapit na ang holiday seasons kung saan mas darami pa ang mga pasaherong maglalakbay sa Metro Manila.
Sa report pa ni Fabic, 42 sa mga nahuli nila ay inisyuhan ng Temporary Operation Permit (TOP) dahil puro colorum ang mga ito. Ilan pa sa mga dinakip na violations ay mga unit na defective taillights, defective wipers, walang mga seatbelt, wearing slippers at iba pa.